PNP CHIEF TORRE TINULIGSA ANG ABOGADO NG PULIS NA INIUUGNAY SA MGA ‘MISSING SABUNGEROS’, INAKUSAHAN SYA SA PAGKALITO SA IMBESTIGASYON
- Published on August 16, 2025
- by @peoplesbalita
SINAGOT ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang abogado ng isa sa mga pulis na iniuugnay sa mga “nawawalang sabungero” dahil sa pagtatangka umanong guluhin ang imbestigasyon sa kaso.
Bilang abogado, sinabi ni Torre na lubos na nauunawaan ni Bernard Vitriolo na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay hindi tamang forum para makatanggap ng mga affidavit na pabor sa mga pulis na iniimbestigahan nito.
Nagbigay ng reaksiyon si Torre sa pahayag ni Vitriolo sa isang press briefing sa Quezon City noong Miyerkules, Agosto 13, kung bakit hindi inaksyunan ng CIDG ang mga affidavit na isinumite ng 12 testigo para sa mga pulis na iniugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“He knows fully well that the CIDG is not the proper forum to submit counter-affidavits. They are not witnesses there (for the missing sabungeros). Ther proper forum to submit that affidavit is the Department of Justice,” ani Torre.
Para sa pulis na kinakatawan ni Vitriolo, binigyang-diin ni Torre na ang pulis na si Police Senior Master Sgt. Joey Encarnacion, ay suspek sa kaso, kaya hindi makatanggap ang CIDG ng anumang affidavit ng kanyang mga testigo na pabor sa kanya, o pabor sa iba pang pulis na sangkot sa kaso.
Sinabi ni CIDG Director Brig. Gen. Christopher Abrahano na natanggap ng ahensya ang mga affidavit noong Hulyo 11 ngunit sinabing hindi nila ito maaksyunan dahil sa mga isyu sa pamamaraan.
As a matter of procedure, ipinaliwanag ni Abrahano na dapat ay isang imbestigador ng CIDG ang dapat magtanong at tumulong sa paghahanda ng mga affidavit.
Sa kaso ng affidavits na tinutukoy ni Vitriolo, sinabi ni Abrahano na handa na ito nang isumite sa CIDG.
“We acknowledge the receipt of the documents that were brought here on July 11… but it begs the questions on the veracity of the statements since it is not our police investigators who prepared them,” sinabi ni Abrahano sa mga mamamahayag sa isang panayam sa Camp Crame.
Sa paliwanag ng tamang pamamaraan, sinabi ni Torre na ang pag-aangat ng isyu ng umano’y nawawalang affidavit ay may masamang motibo.
“It’s very clear (that the intent) is to muddle the case, unless the lawyer forgot the procedures,” sabi ni Torre. (PAUL JOHN REYES)