PNP at DILG, tiniyak na puspusan ang preparasyon para sa Pista ng Poong Nazareno- Malakanyang
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na panatilihing payapa at makabuluhan ang idaraos na Traslacion, naka-alerto ang puwersa ng PNP, DILG at ibang ahensiya ng gobyerno upang siguruhin ang kaligtasan ng mga dadalo sa nasabing kaganapan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ayon sa tala ng pulisya, aabot sa 18, 212 uniformed personnel ang ide-deploy sa mga lugar na pagdarausan ng Pista ng Poong Nazareno.
Makakaasa aniya sa itinaas na presensiya ng kapulisan ang mga debotong lalahok sa Traslacion lalo na sa tatlong mga pangunahing lugar gaya ng Quirino Grandstand, sa buong ruta na daraanan ng prusisyon at sa Quiapo Church na huling destinasyon ng imahe ng Poong Nazareno.
Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa mga tropa ng kapulisan na maging alerto, mahinahon at makatao sa pagse-serbisyo sa kapwa Filipino.
At para rin aniya sa dagdag na seguridad, magpapatupad ng No-Fly Zones ang PNP malapit sa pagdarausan ng Traslacion habang may cellphone signal jamming din bilang additional na preventive measures.
Nagpaalala naman ang DILG sa mga lalahok na maging alerto at iwasan na magdala ng mga matatalim, at nakasusugat na bagay, mga paputok at pyrotechnics devices at iba pang ipinagbabawal na kagamitan.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng armas gaya ng baril, alinsunod sa ipinatutupad na gun ban sa Lungsod ng Maynila.
“Nawa’y maging matiwasay, ligtas at makabuluhan ang selebrasyon ng Pista ng Poong Nazareno para sa lahat ng deboto,” ayon kay Castro. ( Daris Jose)