Pinsala sa agri at infra dahil sa magkakasunod na bagyo, pumalo na sa P1.7-B – NDRRMC
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
PUMALO na sa P1.7 billion ang halaga ng pinsalang naitala sa sektor ng agrikultura at imprastruktura bunsod ng magkakasunod na bagyong tumama sa bansa ngayong Setyembre.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw ng Sabado, Setyembre 27, mahigit P914 million ang halaga na ng danyos sa agrikultura habang nasa mahigit P822 million naman sa imprastruktura dahil sa bagyong Opong, Nando at Marisol gayundin dahil sa epekto ng hanging habagat.
Pinakamatinding nagtamo ng pinsala sa agrikultura ang Cagayan Valley o Region 2 na nasa P807 million, sinundan ito ng Western Visayas na mayroong P43 million halaga ng pinsala, sa Cagayan Valley nasa P4.64 million at sa Mimaropa nasa kalahating milyon.
Isinailalim naman na ang buong probinsiya ng Cagayan sa state of calamity gayundin ang Pagudpud sa Ilocos Norte, Ibajay sa Aklan at Pagalungan sa Maguindanao del Sur.