Pinoy athletes hahataw naman sa Tokyo Paralympics
- Published on August 12, 2021
- by @peoplesbalita
Matapos ang Tokyo Olympics, tututok naman ang Pilipinas sa kampanya ng differently-abled athletes sa prestihiyosong Tokyo Paralympics na tatakbo mula Agosto 24 hanggang Setyembre 5.
Ipadadala ng Pilipinas ang anim na atleta na sasabak sa apat na events.
Mangunguna sa ratsada ng Team Philippines si Asian Para Games multiple gold medalist Ernie Gawilan na masisilayan sa 400m freestyle S6 event ng swimming competition.
Nakasikwat si Gawilan ng tiket sa Tokyo Paralympics matapos itong magkwalipika sa 2021 World Para Swimming World Series na ginanap sa Berlin noong Hunyo 18.
Pasok din si 2017 Asean Para Games gold medalist Gary Bejino na nabigyan ng bipartite place sa swimming event.
Hahataw naman sa athletics sina Jerrold Mangliwan at Jeanette Aceveda samantalang masisilayan sina Achelle Guion sa powerlifting at Allain Ganapin sa taekwondo.
Hangad ng Pinoy squad na masundan ang magandang kampanya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics kung saan nag-uwi ang delegasyon ng isang ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya.