• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pinondohan ng administrasyong Duterte ang mga atletang Filipino

PINANINDIGAN ng Malakanyang na namuhunan ang administrasyong Duterte sa mga atletang Filipino na nagresulta ng tagumpay ng mga ito sa Tokyo Olympics.

 

“Kahapon sinabi ko, hindi aksidente o hindi coincidence lamang na ‘yung ating kauna-unahang ginto at ang ating best ever performance sa Olympics, [ito] ay dahil din po sa mga resources na ginugol ng administrasyon ni President Rodrigo Duterte,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

 

Ipinakita ni Sec. Roque ang pigura na susuporta sa kanyang mga sinabi.

 

Batay sa data, nagbigay ang Duterte administration sa Philippine Sports Commission (PSC) ng budget na ₱223.5 milyong piso noong 2017, na mas mataas sa ₱168.6 milyong piso na ibinigy ng nakalipas na administrasyon ng namayapang Noynoy Aquino noong 2011.

 

Ang budget ng PSC ay bumaba sa ₱199.5 milyong piso noong 2018 bago pa lumobo sa ₱5.3 bilyong piso nang sumunod na taon para sa pagho-host ng Southeast Asian Games.

 

Taong 2020, nakatanggap lamang ang PSC ng ₱944.9 milyong piso subalit tumaas sa ₱1.3 bilyong piso noong 2021.

 

“Nakikita n’yo na po, meron po talagang direct correlation doon sa halaga na ini-invest natin sa sports at ‘yung mga nagiging performance ng ating mga atleta,” aniya pa rin. (Daris Jose)