Pingris handang tulungan ang FEU
- Published on July 28, 2022
- by @peoplesbalita
HANDA si Marc Pingris na tulungan ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa kampanya nito sa UAAP men’s basketball tournament.
Inimbitahan ng pamunuan ng unibersidad si Pingris na maging bahagi ng coaching staff upang mas lalong mapalakas ang Tamaraws sa mga susunod na edisyon ng UAAP.
“Handa naman ako pero pag-uusapan pa. Yun talaga ang gusto ko yung maibahagi yung mga natutunan ko sa mga batang players,” ani Pingris.
Naniniwala ang FEU na malaki ang maitutulong ni Pingris para matutukan ng husto ang mga miyembro ng kanilang koponan.
Malalim ang karanasan ni Pingris hindi lamang sa collegiate basketball maging sa professional level at mga international competitions.
Sa kanilang collegiate career, naging bahagi si Pingris ng Philippine School of Business Administration at FEU.
Noong 2004, nakuha itong third pick overall sa PBA Annual Rookie Draft ng FedEx Express.
Maliban sa FedEx, naglaro rin si Pingris para sa Purefoods franchise mula 2005 hanggang 2019 bago magpasyang magretiro.
Siyam na beses itong nakatikim ng kampeonato sa PBA at dalawang beses naging Finals MVP.
Naging miyembro ito ng national team na nakasungkit ng gintong medalya sa 2003 Vietnam Southeast Asian Games.
Bahagi ito ng Gilas Pilipinas na nakapilak sa FIBA Asia Championship noong 2013 sa Maynila at 2015 sa China.