Pinas may silver na
- Published on May 10, 2022
- by @peoplesbalita
TUMIYAK ng silver medal ang Philippine national beach handball team matapos magposte ng 3-1 record sa 31st Southeast Asian Games kahapon sa Tuan Chau Island sa Quang Ninh Province, Vietnam.
Muling tinalo ng mga Pinoy bets ang Thailand, 2-1, sa ikalawa nilang pagtutuos matapos kunin ang 2-0 panalo noong Biyernes.
Ang Thailand ang kumuha ng silver medal noong 2019 Manila edition na pinagharian ng Vietnam habang bronze ang nakamit ng Pinas.
“Di man kami nakaboto, naipanalo po namin ang laban ngayong araw kontra Thailand,” sabi ni national coach Jana Franquelli. “Sigurado na po tayo sa Silver Medal. Para sa bansa natin ang panalong ito. Maraming salamat sa inyong suporta! Mabuhay ang Pilipinas!”
Kung kumbinsidong tatalunin ang 2019 SEA Games gold medalist na Vietnam (4-0) ngayong alas-6 ng gabi ay ganap nang masisikwat ng mga Pinoy ang gintong medalya.
Nauna nang yumukod ang Nationals sa mga Vietnamese, 0-2, noong Sabado.
Ang top three teams matapos ang double-round robin ang magiging mga podium finishers.
Ang mga miyembro ng national team ay sina Daryoush Zandi, Dhane Miguelle Varela, Josef Maximillan Valdez, Rey Joshua Tabuzo, John Michael Pasco, Jamael Pangandaman, Manuel Lasangue, Jr., Andrew Michael Harris, Mark Vincent Dubouzet at Van Jacob Baccay.
Biniktima rin ng tropa ang Singapore, 2-0, noong Linggo.