Pinangalanan ng Malakanyang: Mendoza LTFRB chair, Lacanilao LTO chief
- Published on October 12, 2025
- by @peoplesbalita
INANUNSYO ng Malakanyang ang pagbabago sa pinakamataas na posisyon sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang Viber message sa mga mamamahayag, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na si LTO chief Atty. Vigor Mendoza II ay magiging bagong LTFRB chair, papalitan nito si Teofilo Guadiz III.
Si Markus Lacanilao ang uupo bilang LTO chair, habang si Guadiz ay itinalaga bilang chair ng Office of Transport Cooperatives. Si Lacanilao ay dating Special Envoy on Transnational Crime.
Hindi naman nagpalabas ang Malakanyang ng opisyal na kalatas kaugnay sa pagbabago subalit ang transport groups, kilala bilang “Magnificent 7,” ay nanawagan kamakailan ng pagbibitiw ni Guadiz hinggil sa di umano’y kabiguan na maipatupad ang Public Transport Modernization Program (PTMP), dating PUV Modernization Program.
Ang mga grupong ito ay ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Stop-and-Go, Fetodap, Busina, at Alliance of Concerned Transport Organizations. Gayunman, binawi ng limang miyembro ng grupo ang kanilang panawagan na magbitiw na sa tungkulin si Guadiz.
Nagpahayag naman ng suporta ang Transport group na Manibela, para kay Guadiz matapos muling pagtibayin ng LTFRB ang commitment nito na ganap na ipatutupad ang PTMP at binigyang diin na ang reporma sa transport sector ay nananatiling ‘top priority.’
Sa ulat, iniugnay si Guadiz sa usapin ng “lagayan (bribery) scheme” ibinunyag ng kanyang dating executive assistant na si Jeffrey Tumbado, na di umano’y gumagawa si Guadiz ng under-the-table transactions, kabilang na ang route modifications at pagbibigay-prayoridad ng franchise papers at special permits—na itinanggi naman ni Guadiz.
Samantala, si Lacanilao ay ipinagharap ng contempt noong nakaraang Abril para sa di umano’y pagsisinungaling sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na nag-iimbestiga sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Boluntaryo namang nagpakita ito sa Senado sa kaparehong buwan bilang pagtugon sa kautusan.
( Daris Jose)