• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 11:39 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PINAIGTING NA OPERASYON NG LTO, HULI HIGIT 9,000 TRUCKS DAHIL SA OVERLOADING

AYON sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na mahigpit na ipatupad ang umiiral na mga batas ukol sa kaligtasan sa kalsada, nahuli ng Land Transportation Office (LTO), ang kabuuang 9,736 na trak dahil sa overloading sa isinagawang operasyon sa buong bansa mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang lahat ng regional directors at pinuno ng enforcement units ng ahensya na magsagawa ng mas maigting na operasyon sa pamamagitan ng mga surprise inspection sa mga karaniwang ruta ng mga trak sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Metro Manila, ilan sa mga ruta na tinukoy niya ay ang mga pangunahing lansangan patungo at mula sa mga pantalan at iba pang kalsada gaya ng C-5 Road at Katipunan Avenue.
“Kailangan maramdaman ang presensya natin dahil buhay at kaligtasan ng mga motorista ang nakataya dito. Karamihan diyan mga breadwinner ng pamilya na kapag naging permanently disable o binawian ng buhay ay ang magdudusa ay ang buong pamilya,” ani Asec. Mendoza.
“Bagama’t karamihan sa nasa trucking industry ay sumusunod sa batas, partikular sa usapin ng overloading at roadworthiness, may ilan pa ring hayagang lumalabag. Sila ang target natin dito,” dagdag pa niya.
Ang parusa para sa mga trak at trailer na lalampas sa itinakdang gross vehicle weight ay katumbas ng dalawampu’t limang porsyento (25%) ng Motor Vehicle Users Charge (MVUC).
Ipinaliwanag ni Asec. Mendoza na ang mga trak na overloaded ay madalas na nakaaapekto sa kondisyon ng makina at sistema ng preno, na naging sanhi ng ilang malulubhang aksidente sa kalsada sa mga nakalipas na taon.
Batay sa datos ng LTO, karamihan sa mga nahuli dahil sa paglabag sa RA 8794, o overloading, ay mula sa LTO Central Office, kasunod ang LTO-National Capital Region at LTO Northern Mindanao.
Dagdag ni Asec. Mendoza, nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa overloading, sa pamamagitan ng dagdag na tauhan at pasilidad na tutulong sa mas epektibong pagpapatupad ng batas.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga weighing bridges sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa. (PAUL JOHN REYES)