Phivolcs: Pag-alboroto ng Mayon, abutin ng 6 na buwan bago humupa
- Published on January 12, 2026
- by @peoplesbalita
TATAGAL umano ng anim na buwan bago humupa ang pagngangalit ng Bulkang Mayon sa Bicol.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, kung pagbabasehan ang naganap na pag-aalboroto ng bulkan noong 2023, umabot lamang sa higit 3 kilometro ang lava flow pero itong aktibidad ng Mayon sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang pagluwa ng lava o nagbabagang apoy mula sa bulkan.
Niliwanag din ni Bacolcol na ang malakas na volcanic unrest ay mabilis lamang hindi katulad ng mahina gaya ng ipinapakita ngayon ng bulkan.
Batay aniya sa record, noong pumutok ang Mayon noong 2018 ay nagtagal ito ng dalawang buwan bago humupa habang noong sumabog ang bulkan taong 2000 ay umabot lamang ito ng dalawang lingo hanggang sa nanahimik na pero umabot ito sa alert level 5 status kaya ipinagbawal ang pagpasok ng sinuman noon sa 8 km radius mula sa bunganga ng bulkan.
Binigyang diin ni Bacolcol na bagama’t patuloy ang matinding aktibidad, wala pang dahilan na isailalim ito sa Alert level 4 status dahil wala pang nasusubaybayang matinding parameters tulad ng pagtaas nang madalas na Pyroclastic Density Currents (PDCs) o “uson”, lava fountaining, lava flow at madalas na volcanic earthquakes.
Niliwanag nito na ang nailuwa ng naturang bulkan ay hindi lava, uson at rockfalls na nakikita sa gabi na kulay pula na nagniningas.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng pamumuo ng lava flow, 150 Rockfall events, 90 PDCs, crater glow, pagluwa ng 195 tonelada ng asupre, at pamamaga ng bulkan.
Ang Mayon ay nasa ilalim ng Alert level 3 o nangangahulugan ng mataas na aktibidad sa bulkan. ( Daris Jose)