“Philippine Traditional Wear Day” tuwing Hunyo 12, aprubado
- Published on January 18, 2021
- by @peoplesbalita
Inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang pagtatalaga sa Hunyo 12 bawat taon bilang “Philippine Traditional Wear Day.”
Sa inihaing House Resolution 1374 ni Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez, layon nito na isulong ang kamalayan at pagsasanay sa kulturang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan.
Isinasaad sa resolusyon na ang pagsasanay sa pagsusuot ng mga tradisyunal na Pilipinong kasuotan ay isang uri ng kapangyarihan sa kultura, isang impluwensyang hindi namimilit na mekanismo na maaaring gamitin upang suportahan ang kultura ng salinlahi at pamana, na magpapatibay sa diwa ng nasyunalismo sa mga Pilipino
“Isa itong bagong sibol ng pagkasigasig na tutuklas at magbibigay ng malalim na pagmamahal sa ating kultura ng mga kabataang Pilipino, na nasa ating bansa man o nasa ibayong dagat,” ayon sa paliwanag ng HR 1374.
Ayon pa sa panukala, ang pagsusulong ng kapakanan at pagmamalaki sa mga tradisyunal na Pilipinong kasuotan ay lilikha ng mga kahilingan para sa mga produkto na gawang Pilipino.
“Ang pagdami sa kahilingan para sa mga produktong Pilipino ay magpapasigla sa interes ng mga Pilipino na pag-aralan ang paggawa ng mga tradisyunal na likhang sining na maaaring magpalakas sa industriya,” nakasaad pa sa resolusyon.
Sinabi ni Torres-Gomez na ang mahabang lockdown na ipinatupad sa bansa ay naging sanhi ng pagdami ng pagpapahalaga at paghanga para sa mga Pilipinong kasuotan.
“Ang paglago sa mga paninda sa pamamagitan ng online ay nagbigay ng pagkakataon sa ating mga naghahabi, nagdidisenyo, at mga mananahi, na karamihan ay mga micro at small scale enterprises, na ipagmalaki ang kanilang mga likhang produkto sa merkado ng social media,” ani Torres-Gomez. (ARA ROMERO)