• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 8:48 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Permanenteng pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill, ikinababahala ng mambabatas

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si House Committee on Metro Manila Development Chair Caloocan City Rep. Dean Asistio sa permanenteng pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill.
Inaasahan na makakapagpabagal ito ng koleksyon at lalong makakadagdag sa tambak ng basura sa buong Metro Manila at magpapalala sa patuloy na pagbabara ng mga estero, drainage at iba pang waterways na dulot ay patuloy na pagbabaha.
“Sa gitna ng problema natin sa patuloy at palagiang pagbaha sa Metro Manila, malilipat at maiipon ang ang lahat ng basura mula sa 17 LGUs sa San Mateo Landfill. Nakakatakot isipin ang implikasyon nito at sa dami ng environmental related issues na kailangan natin agarang aksyunan – ang patuloy na pagbaha, ang paglilinis ng ating mga estero, drainages at waterways, at ngayon ang hamon ng pagkakaroon ng mas epektibong koleksyon at pagproseso sa mga nakokolektang basura – maituturing na itong environmental emergencies,” paliwanag ni Asistio.
Isinusulong ng kongresista ang pagkakaroon ng isang komprehensibo at integrated na Flood Management Plan sa Metro Manila na dapat standard na ipapatupad sa lahat ng barangay at syudad sa Metro Manila. Kasama sa Masterplan na ito ang pag-aaral kung paano gawing mas epektibo ang koleksyon at pagproseso ng mga nahahakot na basura.
“Alam natin na hindi pangmatagalang solusyon ang mga sanitary landfill. Nakikita natin na naiipon, napupuno na at lumalagpas na sa kapasidad ang mga landfill na ito – ayaw na po nating maulit ang masasamang karanasan natin sa mga dumpsites at ang pagkalat ng mga toxins o lason sa ating mga lupa at likas tubig,” dagdag ng mambabatas.
Giit ni Asistio na kailangan nang sama-samang pag-usapan ang mas komprehensibo at sustenableng solusyon. “Sa ganitong environmental emergency, kailangan nating iexplore ang mga alternatives, halimbawa ang pagpapalawak ng waste-to-energy technologies sa pagproseso ng basura. Makakatulong pa ito upang mapailaw halimbawa ang komunidad at mas maeengganyo ang partisipasyon ng mga mamamayan.”
Sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000, Republic Act 9003, binibigyang prayoridad ang pagproseso at segregation ng basura at source, recycling, composting at pagtatayo ng Material Recovery Facilities (MRF) sa lebel pa lang ng barangay. Bagama’t huli sanang proseso ang pagtatayo ng landfills, 13,000 toneladang basura ang naitatapon sa mga landfills kada araw mula sa Metro Manila pa lamang.
“Ito ay isa nang emergency. Kailangan na natin ang mabilisang aksyon pero dapat kumprehensibo at sustenable. Ito ang magiging direksyon ng mga ipapatawag nating Committee Hearings ng Metro Manila Development. Hindi po natin hihintayin na patuloy tayong malubog sa baha o sa basura,” pagtatapos ni Asistio.
(Vina de Guzman)