Pedicab driver pinagsasaksak ng kainuman, malubha
- Published on November 26, 2021
- by @peoplesbalita
NASA malubhang kalagayan ang isang pedicab driver matapos pagsasaksakin ng kapitbahay makaraan ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mgga saksak sa katawan ang biktima na kinilalang si John Rey IbaƱez, 50 ng R10 tulay ilalim, Pescador, Brgy., Bangkulasi.
Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilalang si Wilfredo Diola, 54, fish lagum boy at nakatira din sa naturang lugar.
Sa ulat ni PSSg Provido Joseph kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-10 ng gabi, nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa R10 tulay ilalim nang mauwi ang mga ito sa pagtatalo hinggil sa pagpapalaki sa isang apo ng biktima.
Sa kainitan ng pagtatalo, naglabas ng patalim ang suspek at inundayan ng mga saksak sa katawan ang biktima.
Matapos ang insidente, isinugod ng kanyang live-in partner ang biktima sa naturang pagamutan habang naaresto naman ang suspek ng rumespondeng mga barangay tanod at mga pulis subalit, hindi na narekober ang ginamit na patalim. (Richard Mesa)