PDu30, walang sinisisi sa pagkaantala ng pagdating sa bansa ng mga bakuna laban sa Covid 19
- Published on February 24, 2021
- by @peoplesbalita
WALANG sinisisi kahit na sinuman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkaantala ng pagdating sa bansa ng COVID-19 vaccines.
Naniniwala kasi ang Pangulo na ang pagpapadala sa bansa ng mga bakuna ay responsibilidad ng manufacturers.
Ang pahayag na ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ay tugon sa tanong kung may dapat bang panagutin ang Pangulo sa pagkakaantala ng pagdating Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines mula COVAX at Sinovac COVID-19 vaccines na dapat sana’y dumating noong Pebrero 15 at ngayong araw, Pebrero 23.
“Alam mo, si Pangulo, he understands that we are at the receiving end of these vaccines. As much as we want to…as practicable as possible…ginagawa naman po natin ang lahat ng kinakailangan based on requirements,” ang pahayag ni CabSec. Nograles
“But at the end of the day, it is the vaccine manufacturers’ obligation, responsibility to ship it to us at a time that was promised,” dagdag na pahayag nito.
Ang mga petsa kung saan ay inaasahan ang pagdating ng Pfizer-BioNTech at Sinovac vaccines ay una nang inanunsyo nina presidential spokesperson Harry Roque at vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Ang Philippine Food and Drug Administration (FDA) ay nagbigay na ng emergency use authorization sa Pfizer-BioNTech noong Enero 14 subalit sinabi ni Galvez sa Senate hearing a naibigay ang EUA noong Pebrero 11 at ang kawalan ng indemnification law sa bansa ang dahilan kung bakit naantala ang pagdating ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines sa bansa. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)