PDU30, tinanggigan ang alok na drug czar post sa ilalim ng administrasyong Marcos
- Published on June 23, 2022
- by @peoplesbalita
TINANGGIHAN ni Outgoing President Rodrigo Roa Duterte ang alok na magsilbi siyang drug czar ng kanyang successor na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“The last offer that I saw was to head the, to become the drug czar. Pero tinanggihan niya na iyon eh,” ayon kay acting Palace spokesperson Martin Andanar nang tanungin kung may “standing offers” ang incoming administration kay Pangulong Duterte.
“Iyon ang lumabas sa pahayagan,” ani Andanar.
Buwan ng Mayo nang sabihin ni Marcos na nakahanda siyang gawing drug czar si Pangulong Duterte kung gugustuhin nitong sumama sa kanyang administrasyon upang maipagpatuloy ang laban sa ilegal na droga.
Sinabi ni Marcos na bukas siya para sa lahat ng mga nais tumulong sa gobyerno.
Pero nilinaw niya na hindi pa nila napapag-usapan ni Duterte ang posibilidad na maging drug czar ito pagkababa niya sa puwesto.
Magsabi lamang umano sa kanya si Duterte ay tatanggapin niya ito.
Inamin ni Marcos na bago mag-eleksiyon ay sinabihan siya ni Duterte na ipagpatuloy ang kampanya laban sa illegal na droga.
Binanggit din aniya ni Duterte na kawawa ang mga kabataan kung iiwanan ang laban sa ilegal na droga. (Daris Jose)