PDu30, naglaan ng P3.5 bilyon para sa national ID
- Published on December 18, 2020
- by @peoplesbalita
INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kanyang gabinete ang karagdagang pondo para sa pagpaparehistro ng 20 milyong mamamayang Filipino sa national ID system sa susunod na taon.
P3.52-billion additional budget ang inilaan para sa 2021 para irehistro mahigit 20 milyong indibidwal maliban sa 50 milyong target sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2018 para maging ganap na batas ang PhilSys Act na ang mandato sa pamahalaan ay lumikha ng single official identification card para sa lahat ng mga mamamayang Filipino at foreign residents na magsisilbi bilang de facto national identification number.
Layon ng ID ay ang “to boost efficient public service delivery, enhance administrative governance, reduce corruption, curtail bureaucratic red tape, promote ease of doing business, and strengthen financial inclusion.”
Ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay binigyan ng mandato na pangunahan ang ID system, na may suporta mula sa policy board na pamumunuan ng National Economic and Development Authority at kinabibilangan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Noong Oktubre ay sinimulan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang registration sa Philipine Identification System (PhilSys), na nagbibigay prayoridad sa mga low income families.
Sinabi naman ni Duterte na ang pagpapatupad ng national ID system ang reresolba sa discrepancies sa distribusyon ng cash assistance sa mahihirap na pamilya na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Layon ng national ID na mapagsama at maikonekta ang maraming government IDs sa pamamagitan ng single national identification system. (Daris Jose)