• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PDU30, hindi na dadalo sa ceremonial turn-over ng iba pang Covid-19 vaccine brands sa Pinas

HINDI na dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ceremonial turnover ng iba pang Covid-19 vaccine brands sa Pilipinas.

 

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagdalo ni Pangulong Duterte sa pagdating ng Sinovac-made “CoronaVac” vaccines ng China na binili ng gobyerno ng Pilipinas noong Marso 29 ang huling magiging pagdalo nito.

 

 

“Sinabi po ni Presidente na iyong huling pagdating ng Sinovac eh baka iyon na rin po iyong huli niyang pagsalubong sa mga bakuna bagama’t inaasahan natin na sunud-sunod na po ang pagdating ng mga bakuna,” ayon kay Sec. Roque.

 

 

Ang paliwanag ni Sec. Roque, hindi na kailangan na magpakita pa ng personal ni Pangulong Duterte para lamang i-welcome ang pagdating ng iba pang vaccine brands lalo pa’t asahan na ang sunud-sunod at mas marami pang bakuna ang darating sa bansa sa gitna ng pagsisikap na palakasin ang produksyon.

 

 

“Matter of course na marami nang bakunang darating ‘no as supplies ease up worldwide ‘no. So iyon lang po ‘yun, hindi na siya physically na pupunta sa airport para salubungin iyong mga bakuna ,” anito.

 

 

Tiniyak naman ni Sec. Roque na mananatili namang malusog ang Chief Executive sa edad nitong 76 taong gulang.

 

 

“He retains to have a very active calendar and he continues to discharge the functions of the presidency at the time of the pandemic,” ang pahayag ni Sec. Roque.

 

 

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na patuloy na dumadalo an Pangulo sa mga public events sa iba’t ibang bahagi ng bansa na may mababang Covid-19 infections.

 

 

Kumpiyansa aniya ang Punong Ehekutibo na isulong ang public engagements sa gitna ng pandemiya dahil sinisiguro aniya ng Presidential Security Group (PSG) at Presidential Management Staff (MPS) na masusunod ang mahigpit na health protocols. (Daris Jose)