PCO, dumulog sa DoJ para paimbestigahan ang mga nagpapakalat ng fake news sa social media
- Published on April 8, 2026
- by @peoplesbalita
PERSONAL na dumulog sa Department of Justice (DoJ) si acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez para paimbestigahan ang nasa likod ng Facebook page na Malasakit News Pilipinas na nagpapakalat aniya ng fake news.
Tinukoy ni Gomez ang naka-post sa nasabing Facebook page na nagsasabing magkakaroon ng energy lockdown, o magkukulang ang suplay ng langis sa bansa na labis na ikababahala ng mga mamamayang Filipino.
Aniya pa, dahil sa sa mga ganitong pekeng balita ay magiging dahilan ito ng panic buying ng mga Filipino at mag-hoarding ng suplay ng mga produktong petrolyo.
Bukod dito, mayroon din aniya sa mga nagpakalat ng pekeng balita na ginagamit ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na energy emergency para magbenta sila ng produktong may kaugnayan sa solar power.
Winika ni Gomez na inatasan sila ni Pangulong Marcos na kagyat na aksyunan ang ganitong mga malinaw na panloloko, dahilan ng paghiling sa nasabing departamento na imbestigahan ang mga nasa likod ng fake news.
Para naman sa DoJ, hindi pa maituturing na complaint ang idinulog ng PCO kundi referral kay Justice Secretary Frederrick Vida para maimbestigahan ang insidente.
Samantala, tinuran ni Gomez na hindi ligtas ang iba pang nagpapakalat din ng fake news laban sa first family lalo na kay Pangulong Marcos ukol sa tunay na lagay ng kalusugan nito.
Tiniyak ni Gomez, walang malilibre o maliligtas sa imbestigasyon at kapag nakakita ng matibay na ebidensiya ay makakasuhan. (Daris Jose)