PBBM, VP Sara Q3 trust, performance ratings lumagpak – OCTA survey
- Published on November 6, 2025
- by @peoplesbalita
KAPWA lumagpak ang ‘trust at performance ratings’ nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte para sa 3rd quarter ng 2025.
Ito ang lumabas sa data ng OCTA Research.
Base sa kamakailan na Tugon ng Masa Survey ng OCTA, nakita nito ang 7-puntos na pagbaba sa trust ratings ni Pangulong Marcos, umiskor ng 57% lamang kumpara sa 64% iskor noong July 2025.
Mayorya ng kanyang trust ratings ay nagmula sa Balance Luzon na may 67%, sinundan ng NCR na may 55%. ang ‘distrust ratings’ ni Pangulong Marcos ay nakitaan ng 5- puntos na pagtaas na may kabuuang 25%, karamihan sa mga ito ay nagmula sa Mindanao.
Nakitaan din ng 8-puntos na pagbaba sa performance ratings ni Pangulong Marcos, nakakuha ng 54% lamang kumpara sa July 2025 na 62%. Nakapagtala ang Pangulong 26% dissatisfaction score.
Samantala, mas maliit naman ang naging pagbagsak ng ratings ni Vice-President Sara Duterte kung saan nakitaan ng patuloy na pagbaba sa ‘trust at performance’ ratings.
Sa katunayan, ang trust ratings ni VP Sara ay bumaba o nabawasan ng 3 puntos mula sa 54% noong July 2025 hanggang 51% sa kamakailan lamang na survey.
Mayorya ng kanyang trust ratings ay nagbuhat mula sa Mindanao na may 84%, sinundan ng Visayas na may 63%. Nakitaan din ito ng 1-point increase sa kanyang distrust rating na 24%.
Bumaba naman ng 1-puntos mula 50% noong July 2025, sa 49% ang performance ratings ni CVP Sara, mayroong 26% dissatisfaction rating.
“Even with the observed declines, President Marcos Jr. continues to enjoy majority trust and approval among Filipinos, maintaining both ratings above the 50% mark,” ayon sa OCTA sa isang kalatas.
“In contrast, Vice President Duterte-Carpio’s trust rating remains within majority levels, but her performance rating slipped slightly below the majority,” dagdag na pahayag ng OCTA.
Samantala, ang data mula sa survey ay tinipon mula sa face-to-face interviews sa 1,200 respondents, isinagawa mula September 30 hanggang October 4, sa buong bansa.
Ang survey ay mayroong ±3% margin of error na may 95% confidence level. (Daris Jose)