PBBM, umaasa na mababawasan na ang subsidya para sa P20/kilo of rice
- Published on August 9, 2025
- by @peoplesbalita
UMAASA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mababawasan na ang subsidiya para sa P20 kada kilo na rice initiative ng gobyerno.
“Habang ‘yung production natin gumaganda, bababa nang bababa ‘yan (subsidy),” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
“Naabot na natin ‘yung punto na masabi natin, ‘O kaya na natin ito. We can afford it. We can afford the subsidy,” ang sinabi ng Pangulo.
Tiniyak naman ng Chief Executive na lalawak pa ang saklaw ng Benteng Bigas program para masiguro na mas maraming sektor ng populasyon ang magkakaroon ng access sa pangunahing pagkain sa mas mababang halaga.
Matatandaang, paunang inilunsad sa Visayas noong Abril, may 162 lokasyon sa buong bansa ang nag-aalok ng mas murang subsidized rice, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ang mga miyembro ng vulnerable sectors gaya ng indigents, senior citizens, solo parents, at persons with disabilities ang nasa priority list na maaaring mag-avail ng P20 kada kilo ng bigas.
Mabibili na rin sa mga Kadiwa Center ang P20 kada kilo na bigas.
Magbebenta ang DA ng de-kalidad na NFA rice sa halagang P20 kada kilo sa mga Kadiwa stores. ( Daris Jose)