• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, todo-depensa sa lumalaking utang ng Pinas

TODO-DEPENSA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa lumalaking ‘debt levels’ ng Pilipinas.
Para sa Pangulo, ginagamit ang mga utang para mag-invest o mamuhunan sa mga tao, at hindi lamang para takpan ang mga puwang sa national budget.
Inihayag ito ng Pangulo matapos na lumobo ang utang ng Pilipinas sa P17.2 trillion ‘as of July 2025.’
Sa pinakabagong episode ng The BBM Podcast,, iginiit ng Pangulo na ang metric ay hindi ganap na nakukuha ang mga pagbabalik sa pamumuhunan sa imprastraktura, social protection, at human capital.
“Yung utang na yun, gagamitin mo naman para pang-training doon sa taong yun. Anong balik nun? Ang balik nun employment,” ayon sa Pangulo.
Ang paliwanag pa ng Pangulo, ang utang ay dapat na tingnan sa konteksto ng ‘economic growth at asset-building.’
“It’s not an absolute number. Like any corporation, may balance sheet ‘yan. The balance sheet has assets and liabilities,” ang winika ng Pangulo.
“Eh, tingnan niyo yung asset. Nadadagdagan yung asset natin,” aniya pa rin sabay sabing ang ‘biggest asset’ ng bansa ay ang mga manggagawang Filipino.
Inihambing naman ng Pangulo ang ‘business practice’, sinabi na maging ang mga small enterprises’ ay mayroong utang basta’t nagreresulta ito sa mas mataas na produktibidad o kita.
“Even if you look at any… isang maliit na negosyo, may utang din pero may kinikita. Tapos yung utang na yun, ginagamit pang-investment para palakihin ang negosyo,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, pinananatili naman ng Pangulo na ang ‘maayos na pamamahala at tapat na paggastos’ ay mas mahalaga kaysa sa iwasan ang sama-samang paghiram.
“Basta’t yung pera ng Pilipinas ay ginagamit sa tamang paraan,” pagtiyak ng Pangulo.
Gayundin, sinabi ng Chief Executive na ang pigilan at hadlangan ang korapsyon sa infrastructure projects ay makalilikha ng pagkakakataon para sa tinatawag na long-term savings.
“Hindi nakalagay doon dalawang classroom, ginawa lang isang classroom. Binulsa na yung natira,” aniya pa rin.
At nang tanungin naman kung ang pag-alis sa pag-aaksaya ay makatutulong na mabawasan ang utang ng Pilipinas, ang tugon ng Pangulo ay “Dahan-dahan mapapababa natin ‘yan.”
Samantala, para sa mga economic managers, ang kasalukuyang debt level ay nananatiling manageable, lalo na’t nagpapatuloy ang GDP ng bansa na mabilis na lumago kaysa sa debt accumulation rate.
Layon din ng national government na bawasan ang deficit-to-GDP ratio ng tatlong porsiyento sa 2028.
 ( Daris  Jose)