• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, titiyakin na ang bawat piso ng 2026 GAA ay mapakikinabangan ng mga Filipino

“HINDI tayo papayag na mapunta sa kurakot ang salaping pinaghirapan ng bawat Pilipino.”
Ito ang inihayag ni Pangulong President Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, bilang pangako na titiyakin niya na ang bawat piso ng P6.793-trillion 2026 national budget ay gagastahin sa paraan na direktang mapakikinabangan ng mga mamamayang Filipino.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang pagpirma sa General Appropriations Act (GAA) for the Fiscal Year 2026, sinabi ng Chief Executive na ang bawat programa o proyekto ay isasailalim sa masusing pagsusuri para igarantiya ang tunay na resulta para sa mga filipino partikular na sa itinuturing na ‘most vulnerable sectors.’
“Sa National Budget ng 2026, malinaw ang direksyon ng inyong pamahalaan: magiging mas masinop, mas maingat, at mas responsable kami sa paggastos ng pondo ng bayan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Ang bawat programa at proyekto ay dadaan sa masusing pagsusuri upang masiguro na ito ay may malinaw na benepisyo sa mamamayan—lalo na sa sektor na higit na nangangailangan,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, nilagdaan ng Pangulo ang P6.793 trillion 2026 national budget, naglalayong panatilihin ang progreso ng bansa sa aspeto ng ‘education reform, health protection, food security, social security, at job creation.’
Siniguro rin ng Pangulo na paiigtingin ng kanyang administrasyon ang pagsisikap na paghusayin ang sistema sa gobyerno, palakasin ang pananagutan at labanan ang korapsyon.
Hinikayat naman ng Pangulo ang publiko na aktibong makilahok sa nasabing layunin.
“Ang pagbabantay, ang pagtatanong, ang pag-uulat, at ang pakikilahok ay mahalagang bahagi ng isang gumaganang demokrasya. Kasama ninyo kami sa layuning tiyakin na ang budget ng bayan ay para sa bayan,” ayon kay Pangulong Marcos. (Daris Jose)