PBBM, sinuspinde ang klase sa pampublikong eskuwelahan, trabaho sa gobyerno sa Metro Manila, Bulacan
- Published on August 17, 2023
- by @peoplesbalita
SINUSPINDE ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang klase sa mga pampublikong eskuwelahan sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno sa Kalakhang Maynila at sa lalawigan ng Bulacan upang bigyang daan ang opening ceremony ng FIBA Basketball World Cup 2023 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nakasaad sa memorandum circular no. 27, tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 15, na ang suspensyon ng trabaho sa gobyerno at klase sa pampublikong eskuwelahan sa darating na Agosto 25 ay bahagi ng commitment ng gobyerno tungo sa mas malawak na paglahok at partisipasyon sa “sports promotion at development.”
Binigyang diiin din ng Punong Ehekutibo na ang suspensyon sa trabaho sa gobyerno at klase sa pampublikong paaralan ay pagsisikap naman ng pamahalaan na bigyan ng “full support” at tulong ang Philippine Sports Commission (PSC) para matiyak ang ligtas, mapayapa at matagumpay na opening ceremony ng FIBA Basketball World Cup 2023.
Gayunman, nilinaw ng Chief Executive na ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman o nabibilang sa “delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services “shall continue with their operations and render the necessary services.”
Samantala, ang suspensyon naman ng trabaho sa pribadong kumpanya at klase ay ipinauubaya naman na sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno. (Daris Jose)