PBBM sa mga nagpo-protesta: Be heard, be enraged but keep it peaceful
- Published on September 16, 2025
- by @peoplesbalita
SA HALIP na awatin at umapela na huwag nang ituloy ang kilos-protesta, hinikayat pa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga protesters o mga nagpo-protesta na ihayag ang kanilang mga sentimyento sa umano’y korapsyon sa multi-billion peso flood control projects.
Giit ng Pangulo sa isinagawang press conference sa Kalayaan Hall sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes, Setyembre 15 na may karapatan ang mga ito na magalit.
“(Ipaalam) ninyo ang inyong sentimiyento. (Ipaalam) ninyo kung paano nila kayo sinaktan, kung paano nila kayo ninakawan. (Ipaalam) niyo sa kanila, sigawan niyo, lahat gawin niyo, mag-demonstrate. Just keep it peaceful,” ayon sa Pangulo.
“Kasi pagka hindi na peaceful, the police will have to do its duty to maintain peace and order,” ang pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulong Marcos na ang kilos-protesta ay pagbibigay katuwiran lamang sa galit ng mga tao sa iregularidad sa infrastructure projects.
“Look what we have found. You have to remember I brought this up and it is my interest that we find the solution to what has become a very egregious problem,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Do you blame them for going out into the streets? If I wasn’t President, I might be out in the streets with them. So you know, of course they are enraged. Of course they’re angry. I’m angry. We should all be angry, because what’s happening is not right,” aniya pa rin.
Pinagtibay naman ng Pangulo ang karapatan ng mga mamamayan na ihayag ang kanilang galit at humingi ng pananagutan.
“To show that you are enraged, to show that you are angry, to show that you are disappointed, to show that you want justice, to show that you want fairness. What’s wrong with that?… I want to hold these people accountable just like they do. So I don’t blame them. Not one bit,” ang sinabi nI Pangulong Marcos.
Samantala, ikinakasa na ng mga lider ng Simbahang Katoliko at ng mga Protestante kasama ang civil society groups ang malakihan at malawakang rally na binansagang ‘Trillion Peso March’ na itinakda sa Setyembre 21, araw ng linggo sa People’s Power Monument sa EDSA sa panulukan ng White Plains sa Quezon City at iba pang bahagi ng bansa.
Ang nasabing rally ay kasabay ng paggunita sa ika-53rd anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa ilalim ng diktaturyang rehimen ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang ama ng incumbent na Pangulo ng bansa.
Nabatid sa progressive groups na ang “Trillion Peso March” ay ang P1.9 trilyon o $33.27 bilyong alokasyon sa flood control projects sa loob ng nakalipas na 15 taon na ang malaking bahagi ay napunta lamang sa korapsyon.
Lalahok din sa kilos protesta ang mga civil society organizations upang batikusin ang garapalang korapsyon sa DPWH kaugnay ng nabulgar na pambubulsa ng pondo sa flood control projects sa gitna na rin ng kalbaryo ng mamamayan sa matinding mga pagbaha.
Sinabi ng mga progressive groups na hindi lamang ito pinansyal na iskandalo kundi pagtataksil sa dignidad at buhay kung saan ang bawat pisong ninanakaw ay naglalagay sa kapahamakan sa buhay ng mga Pilipino. Ayon sa mga ito bawat korapsyon sa flood control projects ay naglulubog sa kinabukasan ng bansa.
(Daris Jose)