• March 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM sa mga bagong PNPA GRADS: ZERO TOLERANCE FOR CORRUPTION, RIGHTS ABUSES

HINAMON ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga bagong graduate ng Philippine National Police Academy (PNPA) na panatilihin ang zero tolerance sa korapsyon at human rights abuses, binigyang diin ang pagtaas ng tiwala sa police force sa bansa.
Sa kanyang keynote address sa 47th Commencement Exercises for the “Silang Paglaom” Class of 2026 sa PNPA campus sa Silang, Cavite, ipinaalala ng Pangulo sa mga kadete ang kumpiyansa ng publiko sa law enforcement, habang pinahuhusay, nananatiling ‘fragile’ at dapat na pinalalakas sa pamamagitan ng integridad at pananagutan.
“While the nation’s trust in the police force has climbed in these last years, there is still room for improvement,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, batid ang pagdududa ng publiko sa kapulisan.
“Alam kong marami pa rin sa ating mga mamamayan ay may alinlangan sa kapulisan,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Binigyang diin ng Chief Executive na na ang corruption at human rights violations ay walang puwang sa police service.
“Our security is weakened when the hands sworn to protect are tainted,” aniya pa rin.
“Kaya dapat baguhin natin ito.” ayon sa Pangulo, ipinag-utos sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang ‘visible at disiplinado’ ang presensiya sa mga komunidad kasama ang pagsisikap na palakasin ang internal accountability.
Muling inulit ng Pangulo na ang PNP, kasama ang National Police Commission (NAPOLCOM), ay dapat na magpatupad ng mahigpit na zero-tolerance policy laban sa korapsyon at human rights abuses.
Inatasan pa rin ng Pangulo ang PNP at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng maagap at may nilalayon an imbestigasyon sa mga pasaway na opisyal.
Ayon sa Pangulo, libo-libong imbestigasyon ang naisagawa na sa iba’t ibang police ranks, nagresulta ng disciplinary actions laban sa mga tauhan na napatunayang lumabag sa kanilang sinumpaan. binigyang diin ang transparency sa prosesong ito, samahan pa ng pagtaas ng police visibility, makatutulong na muling itayo at mapanatili ang tiwala ng publiko.
“Ginagawa natin ang lahat ng mga ito dahil ang tunay na lakas ng ating kapulisan ay nasa kalinisan ng inyong dangal at prinsipyo,” ang tinuran ng Pangulo.
Hinikayat naman ng Punong Ehekutbio ang mga gradweyt na maging aktibo sa pagreporma sa institusyon sa pamamagitan ng pagtulong na “cleanse the ranks” at tiyakin na ang misconduct o maling pag-uugali ng ilan ay hindi magiging dahilan para madungisan ang reputasyon ng ng buong organisasyon.
Sa kabilang dako, kabilang naman sa 326 graduates ang top police cadet na si Van Marie Editha Gundaya Cagasan, 24 taong gulang, tubong Baybay City, Leyte.
Nanawagan naman ang Commander-in-Chief sa lahat ng mga bagong opisyal na maging patas at determinado sa pagpapatupad ng batas, paghahatid ng katarungan lalo na sa mga mahihirap at manatiling tapat lamang sa Saligang Batas at mga mamamayan.
“Leave all other interests at the door,” ayon sa Pangulo, pinaalalahanan ang mga ito na ang kanilang sinumpaan ay nakatali sa Republika.
Inilagay din ng Pangulo ang papel ng mga law enforcement sa mas malawak na global context, sabay sabing ang nagpapatuloy na international conflicts ay banta sa kapayapaan, seguridad at economic stability.
“This is a reminder of how fragile peace and order are,” ayon sa Pangulo.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Pangulo na ang PNPA graduates ay makatutulong na palakasin ang institutional credibility at tiyakin ang mas ligtas na komunidad.
“Kaya sa mga miyembro ng “Silang Paglaom” Class ng 2026, taas-noo ninyong harapin ang inyong katungkulan. Magsilbi kayong liwanag sa gitna ng pagsubok at pag-asa sa bawat Pilipinong inyong pinagsisilbihan,” ayon sa Pangulo.
Ang PNPA Class of 2026, ang pangalan ay nangangahulugan na “Sinanay Na Alagad Ng Kapayapaan Na Maglilingkod Sa Pilipinong Mamamayan,” tanda ng bagong batch ng mga opisyal na inaasahan na paninindigan ang batas, kaayusan at public service sa ilalim ng pananaw ng administrasyon na “Bagong Pilipinas.”
(Daris Jose)