PBBM sa DILG, PNP: Habulin lahat ng KFR groups
- Published on March 1, 2025
- by Peoples Balita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na habulin ang Kidnap for Ransom (KFR) groups sa bansa.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na inatasan siya ng Presidente na palakasin ang kampanya laban sa KFR groups at lansagin ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Kilala na rin aniya ng PNP Anti-Kidnapping Group ang mga grupo at miyembro ng mga ito, maging ang kanilang safehouses at kung saan nakatira ang mga ito.
Dahil dito kaya aasahan na aniya ang mas pinaigting na operasyon sa mga susunod na araw.
Sinabi naman ni NCRPO Chief Pol. Brigadier General Anthony Aberin na dahil sa mga naitalang insidente ng kidnapping nitong taon kaya pinalakas na ang police visibility sa mga lugar na posibleng target ng mga kidnapper.
Pinalakas na rin nila ang presensiya sa social media sa pamamagitan nang pag-post ng mga tips kung paano makaiwas sa kidnapping. (Daris Jose)