PBBM pinuri ang trabaho ng 250th Presidential Airlift Wing
- Published on September 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINURI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga tauhan ng 250th Presidential Airlift Wing (PAW) sa pagdiriwang ng ika-58 anibersaryo nito sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng 250th PAW sa pagbibigay ng kinakailangang mobility at kahandaan sa Panguluhan at pamahalaan, lalo na sa mabilis na pagtugon sa panahon ng sakuna at iba pang pangangailangan ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, bagama’t sasakyang panghimpapawid ang nagsasakatuparan ng misyon, nakasalalay sa disiplina, kasanayan at pagtutulungan ng mga tauhan ang ligtas at matagumpay na operasyon.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga piloto, aircrew, maintenance at security personnel, civilian workforce, at kanilang mga pamilya sa patuloy na paglilingkod sa bayan.
Hinimok niya ang mga tauhan ng 250th PAW, na kilala bilang “Bluebirds,” na ipagpatuloy ang mahusay na pagganap sa tungkulin, paglilingkod nang may layunin, at pagpapanatili ng tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng sambayanan.
Ang pagpapaigting sa kahandaan at kakayahan ng 250th PAW ay alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na mabilis at episyenteng tumugon sa mga pangangailangan at emerhensiya ng bansa. ( DARIS JOSE)