• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, pinarangalan ang mga nanalo ng medalya sa nakaraaang SEA GAMES

PINARANGALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga atletang Pilipino na nanalo ng medalya sa katatapos na ika-33 Southeast Asian (SEA) Games, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at kahusayan sa pagbigay ng karangalan sa bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang “Parangal at Pasasalamat sa mga Bayaning Atleta: A Homecoming Celebration for the 33rd SEA Games Athletes” sa Foro de Intramuros sa Maynila, kung saan pinuri niya ang delegasyon sa kanilang mahusay na performance.

Sa ulat, nakakuha ang Team Philippines ng 277 medalya (50 gold, 73 silver, at 154 bronze), mas marami kumpara noong 2023 at 2021 SEA Games, na naglagay sa Pilipinas sa pang-anim na pwesto sa pinakahuling edisyon ng kompetisyon na ginanap sa Thailand mula Disyembre 9 hanggang 20, 2025.

“Pinagdiriwang natin ngayong araw ang dangal, tibay ng loob, at pambihirang kakayahan ng atletang Pilipino… Dala ang bandila ng ating bansa, pinakita ninyo kung ano ang kayang marating ng atletang Pilipino,” ani Pangulong Marcos.
“Buong pagmamalaki naming kinikilala ang husay at galing na ipinamalas ninyo. Ngunit, may medalya man o wala, panalo kayong lahat sa puso ng sambayanang Pilipino,” dagdag ng Pangulo.
Sa kabilang dako, inanunsyo ni Pangulong Marcos na tatapatan ng Office of the President (OP) ang cash incentives na nakasaad sa Republic Act No.10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” kung saan ang mga gold medalist ay binibigyan ng P300,000; P150,000 para sa mga silver medalist; at P60,000 para sa bronze medalist.
Pinuri ng Punong Ehekutibo ang mga tagumpay ng mga atletang Pilipino na naisulat sa pahina ng kasaysayan ng sports sa Pilipinas.
Kinilala ni Pangulong Marcos sina Alex Eala, ang unang Filipina na nanalo ng gintong medalya sa SEA Games women’s singles tennis sa loob ng 26 na taon; EJ Obiena, na nakamit ang kanyang ika-apat na magkakasunod na SEA Games gintong medalya sa men’s pole vault; at ang Philippine Women’s National Football Team, na gumawa ng kasaysayan sa pagkapanalo ng unang SEA Games gintong medalya ng Pilipinas sa football sa kauna-unahang SEA Games tuorneyo para sa mga kababaihan.
Inanunsyo din ng Pangulo na magbibigay ang OP ng PhP10,000 sa mga atletang nagwagi sa mga kompetisyong hindi kabilang sa SEA Games.
“Batid nating walang katumbas na halaga ang inyong sakripisyo, ngunit tanggapin ninyo ito bilang simbolo ng pagpupugay at pasasalamat ng mamamayang Pilipino sa inyong kabayanihan,” pahayag ng Pangulo.
Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan para sa de-kalidad na sports development sa bansa, upang mas marami pang mga Pilipino ang mahikayat na lumahok sa larangan ng palakasan.
“Pinapalawak natin ang grassroots and youth sports programs, dinadagdagan natin ang mga kinakailangang pasilidad, at mas pinapalakas pa natin ang suporta sa mga atletang lumalahok sa pandaigdigang entablado,” ani Pangulong Marcos.
Mahigit 1,500 atletang Pilipino ang lumahok sa SEA Games, na siyang pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas sa kasaysayan ng kompetisyon. ( Daris Jose)