• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM pinangunahan ang groundbreaking ng PLM College of Allied Health Services Building sa Maynila

PERSONAL na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes ang groundbreaking ng gusali ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Allied Health Services sa Maynila para sa pagsasanay ng susunod na henerasyon ng mga health professionals sa bansa.

Ayon sa Pangulo, ang proyekto ay magpapataas ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.

“Sa pagtatayo ng College of Allied Health Sciences Building, mabibigyan ng pagkakataon ang nakakabatang henerasyon na aralin ang mga kursong pang-medisina. Sila po ang mga susunod na haligi ng ating sektor ng pangkalusugan,” wika ni Pangulong Marcos sa seremonya sa Ospital ng Maynila Medical Center sa Malate.

Layunin din ng pamahalaan na matulungan ang mga estudyanteng kapus-palad na makapag-aral sa isang de-kalidad na pamantasan.

“Hangad din nating maging halimbawa ang proyektong ito upang mas mapalawak ang sakop at mapabuti ang kalidad ng edukasyon na ating inihahatid sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng Pangulo.

Pinuri rin ng Pangulo ang paglulunsad ng mga bagong kurso sa agham ng PLM, kabilang ang Medical Technology at Radiologic Technology at kinilala rin niya ang 16 na topnotchers at mga nagtapos ng kursong pangkalusugan.

“Nawa’y magamit ninyo ang inyong natutunan upang maglingkod sa mga pasyente at mapagaan ang kanilang pinapasan. Kailangan kayo ng ating bansa,” ayon sa Pangulo.

Ang limang-palapag na gusali ay magkakaroon ng modernong silid-aralan, laboratoryo, simulation rooms, pasilidad para sa pananaliksik, at mga tanggapan ng guro. Itatayo ito sa kanto ng Quirino Avenue at Roxas Boulevard sa Malate. ( Daris Jose)