PBBM, nasa Washington, DC para sa Trilateral meeting
- Published on April 12, 2024
- by @peoplesbalita
DUMATING na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Washington, DC, Miyerkules ng gabi kasama ang delegasyon ng Pilipinas para sa trilateral meeting kasama ang Estados Unidos at Japan.
Dumating ang eroplanong lulan ang Pangulo kahapon ng alas- 7:47 ng gabi sa Joint Base Andrews sa Maryland kung saan ay mainit siyang sinalubong mga opisyal ng Philippine Embassy at Estados Unidos.
Ang Pangulong Marcos ay mayroong two-day working visit, una na rito ay para sa trilateral meeting kasama sina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida para palakasin ang economic at maritime cooperation ng tatlong bansa.
Nauna rito, bago pa umalis ng Maynila, sinabi ng Pangulo na ang kanyang pagbisita sa Estados Unidos ay resulta ng kanyang nakalipas na pakikipagpulong kina Prime Minister Kishida at US Vice President Kamala Harris noong Setyembre ng nakaraang taon sa Jakarta, Indonesia.
Winika pa ng Pangulo na layon niya na i-explore ang mga paraan ng pagsusulong ng kooperasyon lalo na larangan ng “critical infrastructure, semiconductors, digitalization at cybersecurity, bukod sa iba pa.
Samantala, nakatakda namang makapulong ni Pangulong Marcos ang mga business leaders sa Estados Unidos at imbitahan ang mga ito na mamuhunan sa Pilipinas. (Daris Jose)