• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 12:03 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

 PBBM, nangakong ipagpapatuloy ang reporma sa gobyerno para paghusayin ang buhay ng mga magsasaka

NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isusulong ang agricultural reforms na naglalayong paghusayin at ayusin ang buhay ng mga magsasaka.
Ipinahayag ng Pangulo ang commitment na ito habang pinapupurihan ang mga outstanding o namumukod-tanging agrarian reform beneficiaries (ARBs), ARB organizations (ARBOs), at agrarian reform communities (ARCs) sa isinagawang Gawad Agraryo 2025 sa Makabagong San Juan Government Center sa San Juan City.
“Sa ating mga awardee: Kayo po ang huwaran ng pag-asa. Kayo ang nagpapatunay na hindi natitinag ang Pilipino sa harap ng pagsubok. At kayo ang nagsisilbing gabay sa mga kababayan nating nais din magtagumpay kagaya ninyo,” anito.
“Maraming salamat sa inyong mga sakripisyo upang mapatatag ang pundasyon ng ating lipunan. Bilang suporta sa lahat ng magsasaka, nagpapatupad ang pamahalaan ng mga reporma upang maibsan ang inyong alalahanin at mapagaan ang inyong trabaho,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.
Winika ng Pangulo na ang kanyang administrasyon ay committed na tulungan ang mga Filipinong magsasaka na maging mas produktibo sa pamamagitan ng suporta, kabilang na ang probisyon ng ‘farm machinery at equipment.’
Tinukoy din ng Pangulo ang iba’t ibang pagsisikap na ginagawa ng gobyerno para gawing mahusay at maayos ang buhay ng mga magsasaka kabilang na ang pamamahagi ng halos 70,000 Certificates of Land Ownership Award at libo-libong Certificates of Condonation na may Release of Mortgages para palayain ang mga magsasaka mula sa kanilang pagkakautang.
Hinikayat naman ng Pangulo ang ARBs na gumamit ng modernong teknolohiya para paghusayin ang kanilang kaalaman at makakuha ng bagong kasanayan.
“Hangad kong ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong mga lupang sakahan at pagpapalago ng inyong ani gamit ang aming handog na tulong,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Sama-sama nating itanim ang binhi ng pagbabago upang mas marami pang kwento ng pag-asa at tagumpay ang ating matunghayan sa Bagong Pilipinas. Ipagpatuloy po natin ang ating mga ginagawa para tulungan ang ating magsasaka upang tiyakin na mayroon po tayong ipapakain sa buong madlang Pilipino,” aniya pa rin.
Bitbit ang temang “Repormang Agraryo: Binhi ng Kaunlaran at Tagumpay”, kinikilala ng Gawad Agraryo 2025 ang mahalagang papel ng ARBs kung saan ang lupain na in-award sa kanila ay ginawa ng mga ito bilang productive farms, ang ARBOs na naging partner o katuwang sa pagbibigay ng support services at pangasiwaan ang enterprises, at ang ARCs na na-developed sa self-reliant at sustainable hubs.
Si Pangulong Marcos, kasama si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, pinresenta ang mga award sa 10 Most Outstanding ARBs, tatlong Most Progressive ARBOs, at mga Most Progressive ARCs.
Ang bawat outstanding ARB ay nakatanggap ng plaque, medal, at P25,000 cash award bilang pagkilala sa kanilang ‘productivity at commitment’ sa kanilang pamilya, komunidad at kapaligiran.
Ang pinaka-progresibong ARBOs at ARCs, ay kinilala naman sa pagbibigay ng ‘reliable services’ sa kanilang mga miyembro, pino-promote ang sustainable development, at iniaangat ang kanilang komunidad. Ang bawat isa ay nakatanggap ng plaque, medal, at proyekto na nagkakahalaga ng P70,000.
(Daris Jose)