PBBM, nangako na pananatilihin ang normal na buhay sa bansa sa gitna ng tumataas na presyo ng langis
- Published on March 21, 2026
- by @peoplesbalita
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na normal pa rin ang buhay ng mga filipino sa kabila ng sumirit na presyo ng langis sa nakalipas na linggo dala ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.
”Sana matapos na ang giyera, at habang may giyera pa rin, eh normal pa rin ang buhay ng ating… lalo na ‘yung mga manggagawa,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang panayam sa Mariveles, Bataan.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na tinitingnan ng gobyerno ang iba pang hakbang para magbigay ng subsidies para sa mga sektor na apektado ng krisis, sabay sabing ayaw niyang mangamba ang publiko.
”So, we are trying to find different methods para makapagbigay ng subsidy, para makapagbigay ng tulong. The problem is masyadong malikot ang presyo ng langis. Hindi natin ma-anticipate. So we are still adjusting right now,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
”But I think so far kahit papaano, we will be able to soften the blow ika nga. Basta’t we want to keep –as much as possible huwag pong mag-alala ang tao,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.
Nauna rito, nagsagawa ng nationwide transport strike, araw ng Huwebes ang transport group Piston at progressive alliance Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nagtipon ang mga nagprotesta sa Welcome Rotonda sa Quezon City para sa press conference bago simulan ang kilos-protesta, na inaasahang makakaapekto sa pangunahing ruta sa bansa.
Humiling ang mga grupo ng agarang aksyon mula sa gobyerno, kabilang ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa gasolina at rollback ng presyo sa P55 kada litro.
Bukod sa presyo ng langis, nanawagan rin sila ng P5 dagdag-pasahe sa lahat ng PUV, P1,200 dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa, at agarang cost-of-living subsidy para sa lahat ng apektadong sektor.
Ang transport strike ay sumunod sa utos ni Pangulong Marcos na ipagpaliban ang naunang anunsiyong taas-pasahe at magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.
Dahil sa tensiyon sa Gitnang Silangan dulot ng digmaan ng US-Israel at Iran, na halos nagdulot ng mataas na presyo ng langis, nagpapatupad ang Pilipinas ng apat na araw na workweek para sa mga kawani ng gobyerno, pamimigay ng cash aid sa tricycle drivers, at pagsasaalang-alang ng pagbili ng langis mula sa Russia ng tanging refinery sa bansa. (Daris Jose)