• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nakipagpulong sa mga pangunahing ahensya para sa ASEAN chairmanship ng Pinas

NAKIPAGPULONG si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga pangunahing ahensiya ng gobyerno kung saan tinalakay ang paghahanda para sa pagho-host ng Pilipinas sa 2026 ASEAN Summit and Related Summits.
Sa nasabing miting, nagbigay ang mga ahensiya ng kani-kanilang updates sa priority plans, may kasamang talakayan na nakatuon sa mga konkretong paghahatid na naglalayong lumikha ng trabaho, suportahan ang mga maliliit na negosyo, paghusayin ang digital services, at palakasin ang people-centered programs.
Sinabi ng mga opisyal na ang inisyatibang ito ay naglalayon na tiyakin na ang ASEAN chairmanship ay makapaghahatid ng malinaw na benepisyo para sa mga filipino at sa mas malawak na rehiyon.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ganap nang handa ang Pilipinas para mag-host ng summit.
Itutulak din aniya ng Pangulo ang ASEAN na mag-pokus sa pagtulong sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao may kaugnayan sa napipintong Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) discussions sa panahon ng summit.
Idinagdag pa nito na ang koordinasyon sa hanay ng mga ahensiya ay nagpapatuloy upang matiyak ang “smooth, secure, at well-coordinated hosting” ng event.
Samantala, ang miting ay dinaluhan nina Acting Executive Secretary Ralph Recto, Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, Trade and Industry Secretary Cristina Aldeguer-Roque, Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda; Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Science and Technology Secretary Renato Solidum, at Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, kasama ang ibang opisyal ng gobyerno. ( Daris Jose)