• February 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nakikita ang mas mabilis na timeline para sa Metro Manila subway project

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang konstruksyon ng Metro Manila Subway Project ay mas mabilis ngayon kaysa sa orihinal na timetable.
“I’m happy to report that the progress is proceeding. And the work is proceeding and we are very much on schedule. In fact, from the original timetable, we have accelerated the process and we are moving even more quickly than that,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos na personal niyang inspeksyunin ang konstruksyon ng Shaw Boulevard Station sa Pasig City at pangunahan ang groundbreaking ng Kalayaan Avenue Station at BGC Station sa Taguig City, Biyernes ng umaga.
Nauna rito, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na target nito na isagawa ang demo run ng Metro Manila Subway sa unang quarter ng 2028, bilang bahagi ng paghahanda sa operasyon ng kauna-unahang underground railway system ng bansa.
Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, saklaw ng demo run ang unang yugto ng proyekto mula East Valenzuela hanggang Quirino Avenue sa Quezon City.

Nilinaw ng DOTr na iba pa ang demo run sa testing at commissioning, at layon nitong masuri ang aktuwal na operasyon ng mga bagon sa riles bago tuluyang buksan sa publiko.
Sinimulan ang Metro Manila Subway Project (MMSP) noong 2019 at bubuo ito ng 33-kilometrong linya na may 17 istasyon, mula Valenzuela City hanggang Pasay City, na may spur line patungong NAIA Terminal 3.
Tinatayang matatapos ang buong subway system sa huling bahagi ng 2031 o 2032, depende sa budget at right-of-way acquisition.
Mahigit 90% ng right-of-way ang nakuha na ng ahensiya at inaasahang maaayos ang natitirang isyu sa ikalawang quarter ng 2026.
Kapag ganap na operational, inaasahang makikinabang ang 300,000 hanggang 400,000 pasahero kada araw, at makokonekta ang subway sa LRT-1, MRT-3, MRT-7, LRT-2, at North-South Commuter Railway.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigit sa P49 bilyon ang inilabas ngayong taon para sa railway sector sa ilalim ng DOTr, kabilang na ang ‘station upgrades at accessibility improvements.’
“Once fully operational, the project is expected to serve approximately 500,000 passengers daily and will have an end-to-end travel time of about 46 minutes,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO).
(Daris Jose)