PBBM, nakiisa sa ‘Thrilla in Manila 2’
- Published on October 31, 2025
- by @peoplesbalita
NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , Miyerkules ng gabi, Oktubre 29 sa boxing fans na nagdiwang ng 50th anniversary celebration ng “Thrilla in Manila,”.
Isinagawa ang “Thrilla in Manila 2” boxing event sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City bilang pag-alala sa makasaysayang laban sa naturang venue noong 1975 at bilang pagpupugay sa pamana na nagbigay-daan sa gintong panahon ng boxing sa Pilipinas.
Ito ang venue kung saan isinagawa ang orihinal na “Thrilla in Manila” kung saan nagtuos sina undisputed champion Muhammad Ali at former champion Joe Frazier para sa heavyweight championship of the world, kung saan nanaig ang una.
Itinuturing itong isa sa pinakatanyag na laban sa kasaysayan ng boksing
Sa ulat, dumating ang Pangulo kasama si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos sa commemorative boxing event at mainit na sinalubong ni boxing legend at dating Sen. Manny Pacquiao Jr., founder at chief executive officer ng boxing promotion na MP Promotions.
Dumalo rin sa commemorative boxing event, tinawag na “Thrilla in Manila 2,” sina Araneta City owner at former Sen. Mar Roxas II at Araneta Group of Companies chairperson Jorge Araneta.
Sinaksihan ng Pangulo ang laban sa pagitan ng apo ni Muhammad Ali na si Nico Ali Walsh at Thai boxer Kittisak Klinsom sa isang middleweight clash, na nagtapos sa isang draw, ayon sa press release ng Presidential Communications Office (PCO), araw ng Huwebes.
Tampok din sa Thrilla in Manila 2 ang mga ‘top Filipino boxers’ na lumaban sa mga foreign fighters.
Samantala, kabilang naman sa mga nagpartisipa na Filipino boxers ay sina World Boxing Council (WBC) Strawweight World Champion Melvin Jerusalem sa main event; Eumir Marcial sa WBC International Middleweight championship bout; ant Carl Jammes Martin at Marlon Tapales sa junior featherweight matches.
Maliban naman sa pagdiriwang ng iconic 1975 Ali-Frazier heavyweight championship boxing match, layon ng Thrilla in Manila 2 na bigyang-diin ang “rich sporting heritage and promote Filipino talent in the global boxing community” ng bansa. ( Daris Jose)