PBBM nakatutok sa paghina ng piso
- Published on September 29, 2022
- by @peoplesbalita
MAHIGPIT na binabantayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paghina ng piso laban sa US dollar, ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.
Bagaman at hindi napag-usapan sa isinagawang meeting ng Gabinete ang isyu sa paghina ng piso kontra dolyar, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pangulo sa kanyang economic team.
Naitala noong Setyembre 23 ang bagong record low para sa piso na nagsara sa P58.50 laban sa dolyar.
Ipinaliwanag ni Cruz-Angelez na ang nangyayaring patuloy na pagtaas ng inflation rate ay hindi dahil sa local factors kundi dahil sa exchange rate na binabantayan ng Pangulo at ng economic managers.
Pero naniniwala ito na malakas pa rin ang economic fundamentals ng bansa sa kabila ng bumabang growth forecast ng International Monetary Fund sa Pilipinas sa 2023 na 5% lamang mula sa forecast na 6.5% ngayong 2022.
Sinabi ni Cruz-Angeles na mas mataas naman ang forecast ng mga economic managers ng bansa.
Samantala, ipinaliwanag ng Malacañang na sinertipikahang urgent ng Pangulo ang panukalang P5.268 trilyon national budget para sa 2023 kahit prayoridad talaga itong ipasa ng Kongreso upang matiyak na hindi magkakaroon ng reenacted budget sa susunod na taon.
Inaasahang malalagdaan ni Marcos ang panukalang 2023 national budget bago matapos ang taon. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)