PBBM, nakabantay sa remittances sa gitna ng Middle East conflict
- Published on March 4, 2026
- by @peoplesbalita
SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isa sa binabantayan ng gobyerno ay ang posibleng epekto ng remittances na ipinadadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na maliban sa security at diplomatic concerns, naghahanap din ng paraan ang gobyerno para pangalagaan ang tuluy-tuloy na daloy ng dolyar na nagpapanatili ng milyun-milyong sambahayan ng mga Pilipino.
“The other areas that we look into are what will be the effect on the remittances because this is something that will affect the families of those who are remitting funds from our workers in this part of the world,” ayon kay Pangulong Marcos.
Winika pa ng Pangulo na nag-host ang Gulf ng pinakamalaking concentrations ng overseas workers ng bansa, dahilan para ang rehiyon ay maging ‘key source’ ng remittance inflows.
“Karamihan ng remittances natin ay talaga diyan galing at ‘yan ang pinakamalaking working group natin na nandoon. Hindi nila kasama ang pamilya nila, kung hindi nagre-remit ng pera dito sa Pilipinas,” ang sinabi ng Pangulo.
Inilarawan naman ng Pangulo ang situwasyon bilang isang “a bit of a mixed bag,” sabay sabing nananatiling mahirap i-quantify ang overall impact sa yugtong ito.
Samantala, ang insiyal na report na nakarating sa Malakanyang ay nagpapahiwatig na maraming filipino sa Gulf ang patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng pabago-bagong kapaligiran.
Sa pagtataya ng Pangulo, lumalabas na 80 hanggang 85% ng OFWs sa rehiyon at nananatiling nagre-report sa kanilang trabaho, may iba naman ang lumipat na sa work-from-home arrangements.
“Sinasabi nila, ang report nila sa amin, nagtatrabaho pa rin sila, na pumapasok pa rin sila. Kung hindi sila makapasok, mayroon silang mga work from home,” ayon sa Pangulo, sabay sabing ang patuloy na pagtatrabaho ay makatutulong na mapagaan ang anumang agarang pagbagsak sa mga remittance.
( Daris Jose)