PBBM, nais palakasin ang kakayahan ng LGus sa paghahatid ng serbisyo sa taumbayan- Malakanyang
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
SA 2026 national budget, malinaw ang hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.: ang pamahalaan na mismo ang lalapit sa taumbayan sa pamamagitan ng mas malakas at mas may pananagutan na local government units.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nais din ng Pangulo na mas paigtingin ang kaugnayan sa pagitan ng local and national government.
Para sa taong ito ayon kay Castro, mayroong 1.19 trillion pesos na national tax allotment na matatanggap ang mga LGU bukod pa sa 31.72 billion pesos na special shares mula sa national taxes at 1.41 billion pesos mula sa fire code fees.
Idagdag pa rito ang 57.87 billion pesos sa ilalim ng Local Government Support Fund, mahigit doble kumpara noong 2025 na dinisenyo upang palakasin ang kakayahan ng mga LGU na maghatid ng basic services, magtaguyod ng kabuhayan at magtayo ng ligtas at matatag na komunidad.
Binigyang-diin din aniya ng Pangulo ang suporta sa low-income at resource constrained LGUs sa pamamagitan ng Growth Equity Fund at iba pang uri ng assistance programs.
“Pero sa likod nito, nilinaw ng pamahalaan na hindi puwedeng bigla na lang may ilalagay na proyekto sa isang lungsod o bayan na hindi alam ng mayor o ng LGU. Ibig sabihin, sa ilalim ng 2026 budget framework, ang mga proyekto sa local level ay dapat na manggagaling mismo sa kanila batay sa kanilang local development plans. Isang bagay na magpapalakas sa devolution sa ilalim ng Executive Order No. 103,” ang sinabi ni Castro.
Layunin din aniya nitong palakasin ang Growth Equity Fund sa mga LGU.
Ito’y dahil naniniwala aniya ang Pangulo na ang local government unit ay hindi lamang tatanggap ng pondo kung hindi mismong may-ari ng programa at siyang responsable sa resulta.
“Mayroon ding 15.33 billion pesos na inilaan ang pamahalaan para sa Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program na mula sa 39.82 billion pesos na galing sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa taong 2026,” ayon kay Castro.
“Malinaw ang nais at hangarin ni Pangulong Marcos Jr., ito ay pagtibayin ang serbisyong lokal at bigyan ng kapasidad ang mga LGU upang malayang makapagdesisyon para sa kanilang nasasakupan,” dagdag na wika ni Castro. ( Daris Jose)