• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, naghahanda na para sa kanyang pang-apat na SONA- Malakanyang

NAGHAHANDA na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 28.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na naghahanda na si Pangulong Marcos para makapagbigay ng mas maayos na pag-uulat ukol sa kanyang mga proyekto at accomplishments.

Samantala, nagsimula na rin ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanda para sa seguridad ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos na gaganapin sa Batasang Pambansa, Quezon City sa July 28.

Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga kinauukulang ahensyan ng pamahalaan, pati na rin sa Sergeant-at-Arms ng Kongreso. Hindi naman idinetalye ni Torre ang eksaktong bilang ng mga pulis na ide-deploy, tiniyak niyang may umiiral na security template at handa silang tiyaking magiging mapayapa ang okasyon.

Dagdag pa ni Torre, maaaring may mga pagbabago sa security plan batay sa mga makakalap na impormasyon sa intelligence monitoring, ngunit taon-taon naman aniya ay may sinusunod na security template para rito.

Aniya, karaniwan namang may mga isyung kinahaharap ang bawat administrasyon tuwing SONA kaya’t lagi silang naghahanda para sa anumang sitwasyon.

Ang SONA ay ginagawa kada taon tuwing huling Lunes ng Hulyo, para iulat ng Pangulo ang kalagayan ng bansa at ihayag ang agenda ng administrasyon.

(Daris Jose)