PBBM, NAG-ALAY NG DASAL PARA SA MGA BIKTIMA NG LANDFILL TRAGEDY SA CEBU
- Published on January 16, 2026
- by @peoplesbalita
NAG- ALAY ng panalangin si Pangulong Ferdinand R. Marcos para sa mga biktima ng nakalulunos na landfill incident sa Barangay Binaliw, Cebu City noong Enero 8.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang panandaliang pagtahimik at pagdarasal para sa mga biktima ng Binaliw landfill tragedy sa seremonya para sa kauna-unahang methanol dual-fuel KAMSARMAX bulk carrier sa buong mundo na idinaos sa West Cebu Estate industrial economic zone sa Barangay Buanoy, Balamban, Cebu.
“Before we start, let us take a moment of silence for the victims of the landfill incident in Barangay Binaliw, Cebu City, last January 08,” sinabi ng Pangulo.
“As search and rescue operations continue, we offer our prayers for the souls of the departed and strength to their grieving families,” patuloy ng Pangulo.
“Makakaasa kayo na ang pamahalaan ay nagsasagawa ng lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan, transparency, pananagutan, at kaukulang tulong.”
Tiniyak din ng Pangulo na nagbibigay ang pamahalaan ng tulong sa pagpapalibing at iba pang suporta para sa apektadong pamilya.
Umabot na ang kabuuang nasawi sa 13, habang 23 ang nananatiling nawawala as of nitong Enero 13.
“Let us stand in solidarity with our fellow Filipinos during this difficult time,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Dahil sa nasabing trash slide, agarang nag-isyu ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng cease-and-desist order sa operator ng Binaliw sanitary landfill sa Cebu City.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang DENR sa mga apektadong pamilya at nangakong magsasagawa ng imbestigasyon na patas at nakabatay-sa-ebidensiya upang matiyak ang ganap na pananagutan at maisagawa ang mga kinakailangang pagbabago upang maiwasang maulit ang ganitong insidente.
( Daris Jose)