PBBM, masusing pag-aaralan ang panukalang buwisan ang online gaming — Malakanyang
- Published on July 8, 2025
- by @peoplesbalita
PAG-AARALANG mabuti ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ang panukala ng Department of Finance (DoF) na patawan ng buwis ang online gaming.
”Ang proposal po na ito ng DoF na magkaroon po ng tax para po marestriktuhan ang mga online gaming ay para naman po sa ikabubuti ng pamilyang Pilipino,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
”Batid po ng Pangulo ang maaaring mangyari sa mga gumon sa sugal at hindi niya naman po tututulan basta po mayroon pong sapat na pag-aaral para po—tungkol sa buwis na ipapataw man,” aniya pa rin.
Tinitingnan ng DOF na patawan ng buwis ang online gaming at maging ang iba pang polisiya para masugpo at tuluyang mapigilan ang ‘unrestricted access’ sa gambling, kabilang na ang digital gambling platforms.
Kamakailan lamang, may ilang mambabatas ang naghain ng batas na nagbabawal sa promosyon ng online gambling at mga pagkakaugnay nito sa electronic wallets (e-wallets).
Sa ulat, inihain ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ang House Bill 721 na layong pagbawalan ang mga e-wallet applications na mag-promote ng online gambling.
Sinabi pa ni Flores, dapat alisin ang access sa mga e-wallet apps patungo sa mga online gambling application.
Binigyang diin ni Flores na pinapalala kasi nito ang pagkalulong sa online gambling dahil sobrang dali nang mag-load at maglaro.
Punto pa ng mambabatas na maaaring ituring na kasabwat ang mga e-wallet sa patuloy na pagkalulong ng mga kababayan natin sa pagsusugal.
“Hindi lang advertisement, pati redirecting them to the online gaming applications, may link dun, may button dun na games, when you click it, lahat online gambling games eh. So ‘yan ang gusto namin mawala para walang easy access nga from your pera mo papunta sa online gaming application,” ang pahayag ni Flores.
Subalit nilinaw ni Flores na ang layunin ng panukala ay hindi ipagbawal ang online gambling kundi ang pagbawalan ang mga e-wallet platform na maglagay ng advertisement at access patungo sa mga online sugalan.
Sakaling maisabatas, pagmumultahin ng P100,000 hanggang P500,000 ang unang paglabag; P500,000 hanggang P1 milyon at suspensyon ng operasyon nang hindi hihigit sa 30 araw sa ikalawang paglabag; at multang P1 milyon hanggang P5 milyon at pagbawi sa business license sa ikatlo at huling paglabag.
Kabilang din sa may-akda sina Bukidnon Representatives Jose Manuel Alba, Laarni Roque, at Audrey Zubiri, at SWERTE Party-list Rep. Arly Ayon. (Daris Jose)