PBBM, mananawagan ng paggalang sa int’l law sa panahon ng kanyang US trip —DFA
- Published on March 9, 2026
- by @peoplesbalita
SINABI ng Department of Foreign Affairs (DFA) na gagamitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang working visit sa Estados Unidos bilang pagkakataon para manawagan sa mga partidong sangkot sa matinding tensyon sa Gitnang Silangan na igalang ang international law.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DFA spokesperson Angelica Escalona na hihikayatin din ng Pangulo ang mga ito na magbalik sa negotiating table.
”Napakahalaga po ng biyaheng ito, ito po ang tamang pagkakataon ngayon dahil sa mga nangyayari sa Middle East,” ang sinabi ni Escalona.
“The President would offer a voice from the region, calling for restraint and respect for international law and the UN Charter amid the ongoing conflict,” ayon kay Escalona.
Kabilang din aniya sa nakatakdang byahe ng Pangulo sa New York sa Marso 9 hanggang 10 ay ang high-level engagements sa United Nations (UN).
Winika ni Escalona na makakapulong ni Pangulong Marcos si UN Secretary-General Antonio Guterres sa sidelines ng kanyang US visit.
Magpapartisipa rin ang Pangulo sa pagbubukas ng 70th session ng UN Commission on the Status of Women.
Gayundin, magbibigay din siya ng mensahe sa special session ng UN General Assembly.
(Daris Jose)