PBBM, lumikha ng 11 bagong court branches sa Davao City
- Published on September 26, 2025
- by @peoplesbalita
TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang Republic Act (RA) 12307, naglalayong lumikha ng 11 karagdagang sangay ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) sa Eleventh Judicial Region sa Davao City.
Ang RA 12307, nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Sept. 18, binigyan ng mandato ang Korte Suprema na magtalaga ng kanya-kanyang branch numbers sa bagong lilikhaing korte.
Ang Chief Justice, sa pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ), ay inatasan na tiyakin ang agarang inklusyon o isama ang pagpapatakbo ng mga bagong court branches sa programa ng Korte Suprema.
“The Supreme Court shall issue the necessary rules and regulations for the effective implementation of this Act and, if warranted, the realignment of seats and existing branches and their territorial jurisdictions,” ang nakasaad sa batas.
Ang pagpopondo para sa mga tauhan, operasyon, at courtrooms ay isasama sa taunang General Appropriations Act, ayon sa RA 12307.
Ang bagong batas ay naglalayon din na lumikha ng karagdagang posisyon sa Public Attorney’s Office (PAO) at prosecution service, ayon sa ipinag-uutos ng mga umiiral na batas gaya ng RA 10071 o Prosecution Service Act of 2010 at RA 9406.
Ang RA 12307 ay kagyat na magiging epektibo, 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may general circulation. (Daris Jose)