PBBM, kakausapin muna ang mga stakeholders, mga kinatawan ng simbahan ukol sa online gambling —Malakanyang
- Published on August 13, 2025
- by @peoplesbalita
SINABI ng Malakanyang na hindi pa naitatakda ang miting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga stakeholders para pag-usapan ang online gambling.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung kailan maaasahan ng publiko ang pinal na desisyon hinggil sa polisiya ukol sa online gambling upang ang anumang mga pagbabago ay maisasaalang-alang sa plano ng paggasta para sa susunod na taon.
”Actually, nakausap po natin ang DBM [Department of Budget and Management] at ngayon po kasi sila magsusumite ng budget o ng NEP, at ang panukala naman ng Pangulo na makausap ang mga stakeholders kasama na po ang representative mula sa mga simbahan ay hindi pa po ito nai-schedule as of the moment,” ang sinabi ni Castro.
”Ito pa lamang po ay kasasabi ng ating Pangulo lalong-lalo na doon sa MPC [Malacañang Press Corps] sa India. So, mag-i-schedule pa lamang po ang Pangulo para po makausap ang lahat ng maaaring mga concerned parties para maisagawa ang sapat na pag-aaral patungkol sa online gaming,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na plano niyang bumuo ng polisiya sa online gambling at isama ang simbahan sa konsultasyon.
Winika ng Chief Executive na hindi ang online gambling ang problema kundi ang social effects sa mga kabataan at sa mga taong adik sa sugal.
Nauna nang iginiit ng ilang mambabatas ang pangangailangan ng agarang pagbabawal sa online gambling, dahil sa epekto nito sa lipunan.
Maging ang ilang digital finance companies ay nananawagan din ng regulasyon o total ban para mas maprotektahan ang mga konsyumer at mapababa ang mga panganib na kaakibat ng e-gambling.
Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang mga panawagang ipagbawal ang online gambling at ang posibleng epekto nito sa ekonomiya at mamamayan ng bansa.
Samantala, hindi naman sapat para kay Sen. Win Gatchalian ang mga kasalukuyang restriksyon ng GCash laban sa mga e-gambling ads.
Ayon sa senador, sa dami ng Filipinong umaasa sa e-wallets gaya ng GCash, Maya, at Coins.ph, iginiit niya na mas malaki ang kanilang obligasyon na protektahan ang publiko—lalo na ang mga kabataan—laban sa mapanlinlang at mapanirang bisyo ng sugal.
Hinimok din ni Gatchalian ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na higpitan ang regulasyon sa mga digital financial platforms upang hindi ito magamit bilang kasangkapan sa pagsusugal. ( Daris Jose)