• February 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, isinulong ang nagkakaisang aksyon para maghatid ng internet services sa mga isolated, disadvantaged na lugar

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor upang masolusyonan ang kakulangan ng broadband access sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Telecommunications Summit 2026 sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na habang ang mga lungsod ay nagtatamasa nang mabilis at maaasahang internet services, maraming rural at malalayong lugar ang patuloy na nahihirapan sa koneksyon.
Dahil sa isyu sa connectivity, naaapektuhan ang mga buhay, nililimitahan ang access sa edukasyon, nakahahadlang sa oportunidad sa ekonomiya, at napapabagal ang pambansang pag-unlad, ang sabi ng Pangulo.
Pinunto rin ng Pangulo na nagpapatuloy ang problema dahil sa pagkaantala sa mga permit, right-of-way restrictions, fiber cut, at power interruptions.
“Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang ating pagtutulungan. Kailangang magkaisa ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga lokal na pamayanan—sapagkat walang iisang sektor ang kayang harapin ang mga hamong ito,” diin ni Pangulong Marcos.
“Kumilos tayo na may isang hangarin: ang maghatid ng pag-asa, ginhawa, at pagkakataon sa bawat Pilipino.”
Sa pamamagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), nagsasagawa ang gobyerno ng mga reporma upang gawing mas mura at mas mabilis ang mga serbisyo sa internet.
Bahagi ng mga reporma ang pagsasabatas ng Konektadong Pinoy Act na nag-alis ng matagal nang hadlang sa pag-unlad at kompetisyon, ayon sa Pangulo.
Ipinatupad din ng gobyerno ang Free Public Internet Access Program na nagpapanatili ng mahigit 9,500 aktibong libreng Wi-Fi access point sa 5,057 pampublikong lugar, na naghahatid ng mas maraming pagkakataon sa mga Pilipino.
Upang isulong ang pagsasama, binanggit ng Pangulo ang Bayanihan SIM Card Project na nagbigay ng higit 89,400 subsidized SIM card sa mga mag-aaral, guro, at mahihirap na komunidad sa pampublikong paaralan.
Pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang pribadong sektor sa kanilang patuloy na pamumuhunan sa sektor ng telekomunikasyon sa bansa, at mga local government units para sa kanilang kooperasyon sa pagpapabuti ng serbisyo sa internet sa buong bansa.
Inorganisa ng DICT, ang Telecommunications Summit 2026 ay nagsisilbing venue para sa mga stakeholder upang lumikha ng mga coordinated na aksyon upang mapabuti ang imprastraktura at kalidad ng serbisyo ng ICT; bawasan ang gastos sa internet; palawakin ang high-speed internet coverage; isulong ang inclusive digital access; at isulong ang digital competitiveness at resilience.
(Daris Jose)