PBBM, ipinag-utos ang P10-B na tulong para sa mga magsasaka, mangingisda sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis
- Published on March 23, 2026
- by @peoplesbalita
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang alokasyon o paglalaan ng P10 billion para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng pagsirit ng presyo ng langis.
Sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na ang bagong direktiba ng Pangulo ay naglalayon na palawigin ang fuel subsidy program sa pamamagitan ng pagsama sa “food producers” sa hanay ng mga benepisaryo.
Idinagdag pa ni Recto na ang pinakabagong inisyatiba ng Pangulo ay makatutulong sa mga magsasaka na makayanan ang tensyon sa Gitnang Silangan dahilan ng global oil price hikes.
“We know that fuel inflation can trigger food inflation. That is what we are trying to mitigate. If fishermen are spending less time out in the sea because they are limited by their gas supply, then it results in lower catch, which in turn makes fish expensive,” ang sinabi ni Recto.
Aniya pa, batid ng pamahalaan na ang mga magsasaka at mangingisda ay umaasa sa fuel, kaya’t ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tulungan ang mga ito sa lalong madaling panahon.
“In this mechanized era, farmers rely on equipment from tractors to harvesters… And fishermen no longer paddle out to sea. They are brought there by boats powered by gas or diesel engines. That is why as much as 75 percent of the market price of fish represents fuel cost,” aniya pa rin.
“It is not a new program for the DA. They know the drill. They have the list. They have the institutional muscle memory,” dagdag na pahayag ni Recto.
Nauna rito, hiniling ng DA na maglaan ang gobyerno ng P10 billion na cash assistance para protektahan ang mga magsasaka at mangingisda mula sa tumataas na presyo ng langis.
Ang pondo ay huhugutin mula sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFF) sa ilalim ng 2026 budget ng DA.
Gayunman, ang PAFF, ay nakatakdang ilabas sa second o third quarter ng 2026. ( DARIS JOSE)