• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, ipinag-utos ang mas mabilis na flood relief, rescue; mas mahigpit na price watch

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang mobilisasyon ng lahat ng kaugnay na ahensiya ng gobyerno para paigtingin ang ‘rescue, relief, at flood control operations’ habang nagpapatuloy ang monsoon rains at sunud-sunod na weather systems para maapektuhan ang maraming lugar sa bansa.

Sa isang virtual press briefing, araw ng Huwebes, sinabi ni Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Crame, Quezon City, nagbigay ng serye ng agarang aksyon para mapagaan ang epekto ng malalang weather conditions.

Ipinag-utos din ni Pangulong Marcos ang pagde-deploy ng ‘search, rescue, at retrieval teams’ mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection upang magbigay ng agarang tulong mga lugar na lubog pa rin sa tubig-baha.

Inatasan din nito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyakin ang mabilis na distribusyon ng family food packs at iba pang uri ng tulong ‘bago, habang at pagkatapos’ ng matinding weather events.

Ang road clearing operations ay isinasagawa na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibalik ang access sa mga pangunahing lansangan.

Direktang ipinag-utos din ng Pangulo sa mga ahensiya na ipagpatuloy lamang ang flood control efforts, kabilang na ang operasyon ng lahat ng pumping stations at floodgates ng buong kapasidad at ang paglilinis ng mga baradong daluyan ng tubig.

Ipinag-utos din aniya ni Pangulong Marcos ang pag-a-update sa flood control at drainage masterplans para sa Metro Manila, mayroong 18 pangunahing river basins, at iba pang vulnerable areas, sa pakikipagtulungan sa DPWH at MMDA.

At para naman mapanatiling matatag ang presyo ng mga bilihin sa mga apektadong lugar, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture at Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang supply monitoring at pigilan ang price manipulation, lalo na sa mga lalawigan na nasa ilalim ng state of calamity.

“Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. na sinisiguro na ngayon ng DA at DTI na may sapat na supply ng pagkain at pangunahing bilihin,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, umapela naman si Pangulong Marcos sa publiko na makinig sa mga advisories mula lokal na pamahalaan at mag-ingat laban sa mga karaniwang sakit na nakukuha kapag panahon ng tag-ulan gaya ng leptospirosis at dengue. (Daris Jose)