• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, ipinag-utos ang mahigpit na seguridad para sa Malampaya East 1 kasunod ng major gas discovery

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pinaigting na security measures sa Malampaya East 1 (MAE-1).
Sa katunayan, inatasan ng Pangulo ang Philippine Coast Guard (PCG) na tiyakin ang patuloy na proteksyon sa newly discovered gas reservoir, nakikita bilang napakahalagang energy security ng bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inatasan ng Pangulo ang PCG na mahigpit na bantayan ang Malampaya area para mapangalagaan ang energy resources ng Pilipinas.
Ani Castro, ang kautusan ng Pangulo ay sumasalamin sa pagtuon ng administrasyon na protektahan ang mahalagang energy infrastructure, lalo pa’t ang Malampaya East 1 ay inaasahan na makapag-aambag sa power supply stability at mababawasan ang dependence o pagsandal sa imported fuel.
“Layunin ng Pangulo na masiguro ang walang-patid na pagbabantay at pagprotekta sa Malampaya East 1 sa gitna ng importansiya nito sa seguridad ng enerhiya at pambansang interes,” ang sinabi ni Castro.
Bilang tugon, tiniyak ng PCG ang mas mahigpit na pagbabantay sa Malampaya East-1 kasunod ng natuklasang bagong natural gas reservoir.
Ani PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, magpapadala ang Coast Guard ng kanilang assets kabilang ang 97 meter at 44 meter vessels gayundin ang aircraft para protektahan ang bagong tuklas na lugar kung saan mayroong mataas na deposito ng naturang gas katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Energy (DOE) at Philippine National Oil Company.
Aniya, magiging mas pro-active ang PCG at ire-realign ang kanilang mga barko para tutukan ang pagbabantay sa Malampaya, alinsunod sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na ito ang kanilang topmost priority.
Giit din ni Tarriela na sa kabila ng mga agresibong aksiyon ng Chinese vessels sa lugar ay kanilang pro-protektahan ang bagong tuklas na natural gas.
Kamakailan ay ianunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makasaysayang pagkakadiskubre ng natural gas sa Malampaya East-1, na maaaring makapagpataas pa ng domestic gas supply ng bansa. ( Daris Jose)