PBBM, ipinag-utos ang 60-day suspension ng rice importation
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 60-day suspension sa lahat ng rice importation simula Sept. 1, 2025.
Layon nito na protektahan ang mga lokal na magsasaka sa panahon ng taluktok ng harvest season o panahon ng pag-aani.
Inanunsyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez, araw ng Miyerkules kasunod ng pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Marcos at mga miyembro ng kanyang Gabinete sa sidelines ng kanyang five-day state visit sa India.
“The President issued the directive after consulting with Cabinet members and upon the recommendation of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.,” ayon kay Gomez.
Ani pa ni Gomez, ang pansamantalang pagpapatigil sa importasyon ay naglalayon na tulungan na patatagin ang presyo ng local palay at tiyakin na ang mga magsasaka ay hindi tatawaran sa mas mababang presyo o babaratin sa pagdagsa ng mas murang imported na bigas.
“Right now, the decision is to suspend all rice importation for 60 days beginning Sept. 1. ‘Yan po ang utos ng ating mahal na Pangulo para matulungan ang ating mga magsasaka ng bigas,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, nang tanungin hinggil sa posibleng tariff adjustments, naniniwala ang Pangulo na “it is not yet time” para talakayin ang posibleng pagtataas sa taripa sa imported rice.
Nauna rito, inirekomenda ng Department of Agriculture kay Pangulong Marcos ang pansamantalang suspensyon ng rice importation at itaas ang taripa sa imported rice para protektahan ang mga lokal na magsasaka. ( Daris Jose)