• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 1:07 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, ininspeksyon ang river protection, flood mitigation structures sa Bulacan

NAGSAGAWA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes, ng site inspection ng river protection at flood mitigation structures sa dalawang barangay sa Calumpit, Bulacan, sa gitna ng masusing imbestigasyon ng gobyerno sa flood control projects ng bansa.
Unang binisita ni Pangulong Marcos ang Barangay Bulusan upang inspeksyunin ang rehablitasyon ng river protection structure sa lugar.
Ang St. Timothy Construction Corporation, isa sa top three contractors ang nakakuha ng mayorya ng flood control projects sa buong bansa, nangasiwa sa P96.4-milyong rehabilitasyon ng river protection structure sa barangay.
Pagkatapos ng inspeksyon, sinabi ni Pangulong Marcos na hihingi siya ng paliwanag mula sa kompanya para sa substandard work nito at kabiguan na magsagawa ng ‘desilting.’
Kitang-kita sa mukha ng Pangulo ang matinding pagkadismaya sa maling pahayag na ang proyekto kabilang na ang desiltation process, ay kompleto na.
“Meron kaming mga picture, pati meron kaming mga diver na sinisid ‘yung sa ilalim, at nakita talaga, very manipis lahat ‘yung semento, hindi pantay-pantay. Basta hindi maganda ang trabaho. Talagang bibigay kaya bumigay na nga. Kaya’t kailangan nilang sagutin kung bakit ganito,” ayon sa Pangulo.
“What possible excuse do they have for not doing this? Hindi ko maisip. Tapos ito pa. Lahat ng flood control, may kasamang dredging at desiltation. Pero anong sabi sa akin? Ni minsan, hindi pa nakakita ng desiltation dito. Kasama sa kontrata ‘yun,” dagdag na wika nito.
Matapos ito ay tumuloy ang Pangulo sa Barangay Frances para i- assess ang flood mitigation structure.
Ang istraktura ay nagkakahalaga ng P77.1 million, itinayo ng Wawao Builders, kinilala bilang isa sa top 15 contractors na sangkot sa flood control projects.
Bagama’t ang lalawigan ay hindi nakalista na kabilang sa official flood-prone areas, ang Bulacan ang naiulat na mayroong ‘most number of flood control projects’ may kabuuang 668 at nagkakahalaga ng P6.5 billion.
Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang publiko na mag-report o isumbong ang mga iregularidad na flood control projects sa pamamagitan ng sumbongsapangulo.ph website.
“Mabuti nga ‘yung website nandyan na at marami nang nagsusumbong. Gamitin niyo ‘yun para sa flood control. Mag-report kayo. I-report niyo sa akin,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.
“Hindi puwedeng ganito. Pambihira, this has been going on for years,” aniya pa rin. (Daris Jose)